Saturday, October 29, 2011

TODA MAX NG BAYAN ROBIN PADILLA,VHONG NAVARRO AT POKWANG


Pinagsamang “Idol” ng bayan Robin Padilla, Vhong Navarro at Pokwang
‘TODA MAX,’ HUDYAT NG PAGBABALIK NG NUMERO UNONG KAPAMILYA COMEDY

Bilang patunay ng paghahari ng ABS-CBN sa komedya, buong-pusong nitong inihahandog ang pinakabagong dagdag sa numero unong Kapamilya Comedy, ang “TODA MAX,” na pinagbibidahan ng “Idol” ng bayan na si Robin Padilla, Prince of Comedy Vhong Navarro at Pokwang.

Ang napipintong paglulunsad ng “TODA MAX” ay hudyat ng pinaka-aabangang pagbabalik ng classic sitcom, na sinimulan ng Kapamilya Comedy.

Matapos ang natatanging pagganap sa hit primetime series na “Guns and Roses,” nagpahayag ng pagkasabik si Robin, lalo’t makaka-trabaho niyang muli ang kaibigang si Vhong. Inamin din ni Robin na personal niyang kahilingan na makatambal muli si Vhong sa isang sitcom. “Nagpa-bawas nga ako ng talent fee para makasama ko si Vhong,” pabiro niyang sambit.

VHONG NAVARRO AND ROBIN PADILLA
 Ganoon din ang pananabik ni Vhong na muling maka-trabaho si Robin. Matatandaang unang nagsama ang dalawang aktor sa isang sitcom noong dekada 90, na naging daan sa pagyabong ng karera ni Vhong bilang regular na sidekick ni Robin sa kanyang mga pelikula. Sa “TODA MAX,” muling magtatambal ang dalawa upang makapaghatid ng de-kalibreng pagpapatawa na may halong aksyon at light drama.  


“Matagal na nung huling makasama ko si Idol Robin, kaya sobrang na-miss namin makatrabaho ang isa’t isa. At ang pagbabalik ko sa sitcom ay maituturing kong pagre-reinvent na din sa sarili, lalo’t sa nakalipas na mga taon ay puro soap opera at variety shows ang mga projects ko,” ani Vhong
 
Kasama ang bonggang-bonggang “Happy Yipee Yehey!” host na si Pokwang, hatid ng “TODA MAX” ang matinding katatawanan, at tiyak namang kapupulutan din ng aral.
 

Ang “TODA MAX” ay kwento ng amang si Tol (Robin) na makikipagsapalaran sa Maynila matapos ma-biyudo sa misis. Kasama ang mga anak na sina Sandy at Ron-Ron, tutuloy sina Tol sa bahay ng kanyang pinsan na si Justin Bibbo (Vhong). Si Justin naman ay may-ari ng karinderia, na sa kabila ng kahirapan ay nangangarap na maging isang sikat na chef balang araw.  

Bagaman magkaiba ang kanilang mga pananaw—si Tol ay seryoso, matapang at matibay ang paninindigan habang si Justin ay makulit, palatawa at masinop—hindi nila hinahayaang masira ang kanilang relasyon bilang mag-pinsan, lalo’t nagtutulungan sila sa pagpapalaki kina Sandy at Ron-ron.


Gagampanan naman ni Pokwang ang papel ni Lady G, isang dating mahirap na naging mayaman at nang-hahamak kay Justin. Sa pagpasok ni Tol sa eksena, mababago ang lahat dahil iibig si Lady G sa gwapong biyudo.

Talaga naman pang-pamilya ang “TODA MAX.” Tunghayan kung paano haharapin nina Justin at Tol ang mga pagsubok sa kanilang buhay.

ROBIN PADILLA
“Handa na kaming muling magbigay-saya sa bawat pamilyang Pilipino. Kaya iniimbitahan ko ang lahat na abangan ang pagbabalik ng pang-pamilyang Kapamilya Comedy. Marami kayong matututunan mula dito,” ani Robin

Tampok din sa “TODA MAX” sina Canillo, Aaliyah Benisano, Jobert Austria at Darwin Tolentino, sa ilalim ng business unit ni Raymund Dizon, kasama ang production manager na si Cynthia Jordan, creative manager na si Rhandy Reyes at executive producer Rocky Ubana.

Huwag palampasin ang “TODA MAX” na magsisimula sa Nobyembre 5, bago ang “Maalaala Mo Kaya” sa ABS-CBN.

     OCTOBER 26, 2011  "PRESSCON" 

No comments:

Post a Comment