Thursday, June 30, 2011

"BANGIS" BAGONG TELESERYE NG TV 5



TV5 ipakikilala na ang bagong best friend ng bayan sa Bangis simula Lunes sa Primetime Panalo
Lalo pang pinaigting ng TV5 ang paggawa ng mga primetime serye sa pagsisimula ng ‘Bangis,’ ang soap opera na maghahain ng makabuluhang kwentong magpapahalaga sa pamilya, sa kaibigan, at sa kalikasan simula ngayong Lunes (Hulyo 4) pagkatapos Wil Time Bigtime sa TV5 Primetime Panalo.
Mula sa komiks na ‘Matatalim na Pangil sa Gubat’ ni Carlo J. Caparas, ipinakikilala ng serye ang iba’t ibang karakter sa pangunguna ni Bangis, isang higante ngunit maliksi at mapagmahal na hayop ng lumang panahon. Pinagbibidahan ito ni Oyo Sotto bilang Leon, isang kilalang mangangaso na napadpad sa Sitio Talim upang hulihin ang isang dambuhalang buwaya na nagdadala ng takot sa nayon. Dito niya makikilala ang karakter ni Danita Paner na si Maya, isang environmentalist na tutol sa mga ginagawa ni Leon.
Kasama rin sa cast si Felix Roco bilang Alamid, isang mabait na residente sa sitio na nag-aambisyong sundan ang yapak ni Leon; si Wendy Valdez bilang Savannah, ang mapangahas na asawa ni Don Serpente; at si Rodjun Cruz bilang Musang, isa ring mangangaso at mortal na kaaway ni Leon.
Gaganap naman si Yul Servo bilang si Don Serpente, ang magpapaikot sa buhay ng ilang karakter sa Bangis at nagmamay-ari ng ilang negosyo sa Sitio Talim; si Miriam Quiambao bilang Josie, ina ni Eboy na tinuring na sariling anak si Bangis; si Katherine Luna bilang Magdalena, ang sunud-sunurang asawa ni Musang; si Bayani Agbayani bilang Chairman Shepperd, ang kapitan ng Sitio Talim at asawa ng karakter ni Marissa Sanchez na si Bb. Tiririt, ang istriktang guro ni Eboy.
Kukumpleto sa cast si CJ Caparas na gaganap sa karakter ni Falcon, ang kanang kamay ni Leon; si Jazz Ocampo bilang Tweety, ang mapagmahal na anak nina Shepperd at Tiririt; si Mavi Lozano bilang Puma, kapatid ni Don Serpente at kaagaw ni Alamid sa puso ni Tweety; si Mr. Danny Javier bilang Lolo Wago, ang ginagalang na nakatatanda sa sitio at lolo ni Maya; at si Ms. Tessie Tomas bilang Mama Mia, ang mapagkalingang yaya ni Leon.
Ipinakikilala rin ng serye ang mga batang cast na sina BJ Go bilang si Eboy, ang kalaro at best friend ni Bangis; si Gerald Pesigan bilang Bakting, ang palaaway na bata sa sitio; at si Junyka Santarin bilang Katkat, anak nina Don Serpente at Savannah at kaibigan ni Eboy.
Ang Bangis ay co-production ng TV5 at Double Vision at idinirehe nina Topel Lee at Robert Quebral.  Ang theme song ng serye na “Ako’y Kasama Mo,” ay sinulat ni Vince de Jesus at kinanta ng Talentadong Pinoy challenger na si Michael Renz Cortez.
Kilalanin ang iyong kakaibigan kaibigan ngayong Lunes (Hulyo 4) sa Bangis sa Primetime Panalo ng TV5.

     JUNE 28, 2011  "PRESSCON" 
Oyo Sotto as Leon


Miriam Quiambao as Josie

Danita Paner as Maya

Katherine Luna as Magdalena

Jazz Ocampo as Tweety

Bayani Agbayani as Chairman Shepperd


Wendy Valdez as Savannah
Danny Javier as Lolo Wago