Sunday, July 22, 2012

Angelito : Ang Bagong Yugto


Numero unong serye sa Kapamilya Gold, magbabalik..
Bagong yugto sa buhay ni Angelito, magsisimula na



Muling nagsama sama ang mga karakter na nanguna sa inyong mga puso sa kapamilya Gold para muling imulat ang inyong mga mata sa riyalidad ng buhay pamilya sa “Angelito: Ang Bagong Yugto.”
Pinangunahan ng pinakabagong prinsipe ng drama na si JM De Guzman bilang Angelito ang cast ng inaabangang serye kasama parin sina Charee Pineda bilang Rosalie at Kaye Abad bilang Jenny. Nagbabalik-drama naman at papasok sa istorya si John Prats bilang si Raffy, isang lalaking minsan nang nawala kay Jenny ngunit ngayon ay determinado nang makuha siya.




Nagsimula na nga ang panibagong yugto sa buhay ni Angelito sa pagpapakasal nito kay Rosalie para ganap na silang maging magkabiyak sa mata ng Diyos. Masaya nilang bubuuin ang pamilya at itataguyod ang anak na si Jun-Jun.
Pero tila hindi natatapos ang hamon ni Angelito, na minsan nang pinatunayan ang tibay ng loob at pinaninindigan nang maging batang ama, dahil muling magbabalik si Jenny sa kanyang buhay dala ang isang matinding rebelasyon.
Lingid pala sa kanyang kaalaman ay nabuntis niya si Jenny nang minsang bumigay sila bugso ng damdamin. Maging si Jenny ay napag-alaman ang pagdadalang tao ng makarating na ito sa Singapore kung saan plano niyang magsimula muli.


Naging mahirap ang sitwasyon para kay Jenny ngunit buti na lang at nakatagpo niya sa ibang bansa ang kababatang si Raffy na matagal nang may pagtingin sa kanya. Nang malaman ang sitwasyon ng childhood sweetheart ay mangangahas na aakuin ng binata ang responsibilidad sa sanggol.
Maayos na si Jenny sa ganitong kalagayan at wala nang balak guluhin ang matiwasay ng buhay ni Angelito ngunit isang kaganapan ang mag-uudyok sa kanyang ibunyag ang katotohanan.


Ano ang magiging reaksiyon ni Angelito sa rebelasyong ito? Paano ito tatanggapin ni Rosalie? Aakuin rin ba niya ang responsibilidad sa isa pang anak? Mananatili bang matibay ang kanyang pamilya o gagawa na naman ito ng lamat sa gumaganda na nilang pagsasama? Ididiin ba ni Jenny ang karapatan ng kanyang anak sa atensiyon at pagtustos ni Angelito o mananatili itong martir at muling magpapakalayo? Paano haharapin ni Raffy ang lalaking minsan nang inibig ng babaeng pinakamamahal?


Kasama pa rin sa cast ng “Angelito: Ang Bagong Yugto” sina Elizabeth Oropesa, Snooky Serna, Al Tantay, Sam Concepcion, Devon Seron, Felix Roco, Jason Francisco, Beauty Gonzalez, Josef Elizalde, Lemuel Palayo, Sue Anna Ramirez, Joshen Bernardo, Bea Basa, Aldred Gatchalian at ipinakikilala si Kiko Estrada.
Huwag palampasin ang “Angelito: Ang Bagong Yugto,” Lunes hanggang Biyernes, pagkatapos ng It’s Showtime” sa Kapamilya Gold ng ABS-CBN.

JULY 17, 2012 "PRESSCON"