Tuesday, November 6, 2012

A Beautiful Affair


John Estrada, bibida sa kanyang pinakamalaking teleserye
TAMBALANG JOHN LLOYD-BEA,
MAGBABALIK-TELEBISYON SA “A BEAUTIFUL AFFAIR”


Sampung taon mula nang ilunsad ang kanilang love team sa telebisyon, muling paiibigin nina John Lloyd Cruz at Bea Alonzo ang sambayanan sa inaabangang romantic teleserye na A Beautiful Affair na magsisimula na sa Oktubre 29 sa ABS-CBN Primetime Bida.

Bea Alonzo
Bilang isang engrandeng handog sa pagdiriwang ng ikasampung anibersaryo ng pinakamatagumpay na loveteam ng kanilang henerasyon, muling magtatambal sina John Lloyd at Bea kasama ang premyadong actor na si John Estrada sa kanyang pinakamalaking role sa isang drama project sa telebisyon.

Sundan ang kwento ng pag-ibig sa pagitan ng tatlong taong susuungin ang isang malaking pagsubok sa kanilang relasyon: Alin ba ang mas matibay na pundasyon- ang tapat na pagsasama o ang tunay na pagmamahal?

John Llyod Cruz

Unang magkakakilala ang arkitektong si Leon (John Llyod Cruz) at ang herederang si Gen (Bea Alonzo) sa Austria at agad na mahuhulog ang loob nila sa isa’t-isa para takasan ang dala-dala nilang kasawian- si Leon mula sa kalungkutan ng pagkamatay ng kanyang kinagisnang ina, at si Gen sa pait ng pagtataksil ng dating karelasyon.

Doo’y lilibutin nila ang Vienna at Salzburg at pilit na hihilumin ang mga sugatang puso. Ngunit sa kabila ng hindi maitatangging pagtitinginan ng dalawa ay magdedesisyon silang maghiwalay ng landas at ayusin ang kanya-kanyang buhay bago umibig muli.

John Estrada
Muling pagtatagpuin ang kanilang landas makalipas ng isang taon ngunit mapapag-alaman ni Leon na kasintahan na ni Gen ang matagumpay na negosyanteng si Edward (John Estrada), ang taong tumulong sa kanya mula pagkabata at nagsanay sa kanya para maabot ang pangarap na maging arkitekto.

Paano tatanggapin ni Edward pag nalaman niyang may naging ugnayan si Gen kay Leon? Sino ang talagang pipiliin ni Gen sa dalawa? Alin naman ang magiging mas matimbang para kay Leon- ang pag-ibig niya kay Gen na sa tingin niya’y makakapagbigay sa kanya ng tunay na kaligayahan o ang katapatan niya kay Edward dala ng utang na loob?

Maituturing na isang “full-circle project” ang A Beautiful Affair dahil sa muling pagsasama ng mga taong bumuo sa tambalang John Lloyd-Bea sa kanilang unang Kapamilya Teleserye, ang top-rating na Kay Tagal Kang Hinintay – ang business unit head na si Laurenti Dyogi na dating director ng naturang serye, at ang director na si Katrina Flores na dati’y nagsilbing headwriter nito.

Binubuo rin ang cast ng A Beautiful Affair ng mahuhusay na artistang sina Dimples Romana, John Arcilla, Jaime Fabregas, Maritoni Fernandez, Ana Roces, Janus del Prado, at Megan Young kasama sina Jim Paredes at PBB Unlimited Big Winner Slater Young sa kanilang kauna-unahang teleserye.

Abangan ang pagsisimula ng kwento ng A Beautiful Affair sa ABS-CBN Primetime Bida ngayong Oktubre 29. Para sa updates ng programa, bisitahin ang www.abeautifulaffair.abs-cbn.com, i-like ang www.facebook.com/ABeautifulAffairPH, o sundan ang @OfficialABA sa Twitter.

OCTOBER 28, 2012  "PRESSCON"